EPILOGUE

 

 

“Jermie…”

Napalingon si Jermie kay Dan na kakapasok lang sa maliit na kwarto sa ospital na kinaroroonan niya. May benda ito sa balikat at kanang braso.

“Sige, anak, iwan muna namin kayo,” paalam ng Mommy ni Jermie.

Tumango si Jermie bilang tugon at inihatid ng tanaw ang mga magulang na lumabas ng kwarto. May dalawang araw na rin siyang nasa ospital na iyon. Maliban sa mga galos, sugat at mga pasa sa katawan, maayos naman na ang pakiramdam niya.

Umupo si Dan sa upuang katabi ng hospital bed. “Kumusta ka na?”

“I’m good. Hindi na masakit ang mga sugat ko.”

“Good to know.”

“I-ikaw? Kumusta na ang sugat mo?” tanong ni Jermie. Halos maubos ang luha at sipon niya sa kakaiyak sa pag-aakalang namatay si Dan dahil nawalan ito ng malay bago pa dumating ang mga pulis.

“Medyo hindi na masakit. Five stiches lang naman ang ginawa sa sugat ko. Galing nga rin pala ako sa kwarto ni Stephen. Ang sabi ng doktor, stable na raw siya kaya ‘wag ka nang mag-alalala sa kanya… At sa akin.”

Ngumiti si Jermie. Nang magkamalay kasi si Dan, agad nilang binalikan si Stephen na duguan dahil sa saksak sa likod at walang malay. Mabuti na lang at dumating agad ang mga pulis kasama ang kuya ni Dan…Si Detective Dong.

“Dan, hindi ko pa pala nasasabi ‘to sa ‘yo…” simula ni Jermie.

“Alin? Na crush mo rin ako?”

Lalong napangiti si Jermie. “Thank you…Thank you for everything you’ve done for us. Thank you for saving my life.”

Inabot ni Dan ang kamay ni Jermie at bahagyang pinisil. “Sabi ko naman sa ‘yo, hindi ko hahayaan na may masamang mangyari sa ‘yo. Hindi ko hahayaang mawala ka sa buhay ko.”

Napalunok si Jermie. Utang niya ang buhay niya kay Dan. Kung nahuli-huli pa ito ng dating, malamang na lumulutang na rin sa ilog ang bangkay niya kagaya ng nangyari kay Rayden noon.

“Teka,” sabi niya bago pasimpleng binawi ang kamay mula kay Dan. May kung anong kaba kasing nabuhay sa dibdib niya. Kabang may kahalong kilig. “Paano mo nalaman kung nasaan kami? Hindi ko naman nasabi sa iyo ang eksaktong lugar kung saan kami dinala ng jester.”

“Ako pa ba? Alam mo namang nagmana ako sa kuya kong detective.”

“Seriously, paano nga?”

“Okay, ganito `yon. Naalala mo noong hiniram ko `yong cellphone mo noong nagkita tayo sa convenience store? Hindi talaga ako naki-text no’n. Nilagayan ko ng sticker ang cellphone mo. Sa sticker na ‘yon, pwede kong i-track ang location mo once na sagutin mo ang tawag ko.”

“Bakit mo ginawa `yon?” lalong na-curious na tanong ni Jermie.

“Because I want to make sure na safe ka. I want to make sure na walang kahit na anong masamang mangyayari sa ‘yo. At kung meron man, gusto ko, ako ang magliligtas sa ‘yo.”

Saglit na napatulala si Jermie kay Dan. Nakangiti ang lalaki habang nagpapaliwanag, pero bakas ang kaseryosohan sa boses nito. Walang anumang bahid ng pagbibiro ang bawat salitang binibitiwan nito.

“Ano ka ba, ‘wag ka munang masyadong ma-pressure. Hindi pa naman ako nanliligaw sa ‘yo,” biglang biro ni Dan.

Hindi na rin napigilan ni Jermie ang muling mapangiti. “As if naman sasagutin kita kapag nanligaw ka sa akin.”

“Bakit? Hindi ba?”

Saglit na natameme si Jermie. Paano niya ba kasi sasagutin ang tanong na kahit siya, hindi sigurado sa magiging sagot? “Oo nga pala. Alam mo na ba dahilan kung bakit… kung bakit nagawa ni Coach Arthur ang lahat ng `yon?” tanong niya upang ibahin lang ang paksa. Hanggang ngayon kasi hindi pa rin siya kumbinsido na dahil lang paboritong estudyante ni Coach Arthur si Rayden kaya nito nagawang pumatay.

“Ang cute mo talaga kapag nagiging seryoso ka nang ganyan. Anyway, yeah. Ang sabi sa investigation nina Kuya, anak daw ni Coach Arthur si Rayden.”

“Huh? Paano nangyari `yon?”

“Twenty years ago, pumasok sa seminaryo si Coach Arthur para manilbihan sa simbahan doon bilang pari. Pero nagkaroon siya ng lihim na relasyon sa isa sa mga madre, kay Sister Lorna. Nagbunga ang lihim nilang relasyon at napatalsik sila sa simbahan. Hindi na nagpatuloy ang relasyon nila sa labas at pagkatapos magsilang ni Sister Lorna kay Rayden, nagpakamatay siya.”

“Oh, my God,” usal ni Jermie.

“Nakausap ni Kuya ang ilan sa mga malapit na kaibigan ni Coach Arthur at nakuha niya ang impormasyon na sinubukan namang alagaan ni Coach ang baby. Pero tuwing titingnan niya raw ang sanggol, naiiyak lang siya dahil na rin sa pagkakonsenyang nararamdaman sa pagpapakamatay ni Sister Lorna. Kaya ipinaampon na lang niya si Rayden sa naging foster parents nito na walang kakayahang magkaanak. Pero siniguro niyang hindi malalayo sa paningin niya si Rayden kaya pinasok niya ang pagtuturo at nagtrabaho bilang teacher sa Faubourg Academy kung saan kayo nag-aaral.”

“Siniguro niyang kahit hindi niya kasama si Rayden, maayos ang anak niya. Kaya ganoon na lang ang galit niya sa barkada namin. Dahil kami ang dahilan kung bakit namatay ang nag-iisang tao na nagbibigay ng direksyon sa buhay niya.” Napaiyak si Jermie. Kahit saang anggulo tingnan, silang magbabarkada ang dahilan kung paano nagsimula ang madugong larong iyon.

“Jermie…” Muling inabot ni Dan ang kamay niya. “Kung may kasalanan man ang barakda mo, alam mong wala kang kasalanan.” Kumilos ang isang kamay nito papunta sa pisngi ni Jermie at pinunasan ang mga luhang naglalandas doon. “Labas ka sa kasalanan ng barkada mo kaya ‘wag mong sisisihin ang sarili mo.”

Gumuhit ang pilit na ngiti sa mga labi ni Jermie.

“Cheer up. ‘Wag mo nang isipin ang nakaraan. Ang isipin mo, `yong ngayon at bukas… Kasama ako.”

Humugot ng malalim na hininga si Jermie at pinisil ang kamay ni Dan na nakahawak sa mga kamay niya. “Thank you, Dan. Thank you kasi sinamahan mo ako hanggang sa finish line ng larong ito…”