“Yon, o! Sa wakas, tumapat din sa ‘yo!” sigaw ng isang kaklase ko nang huminto sa tapat ko ang nguso ng boteng kanina pa namin pinaglalaruan at pinapaikot. Katatapos lang naming maligo sa malaking swimming pool at malamig ang hangin na umiihip sa balkonahe kung nasaan kami ngayon, pero hindi ko alam kung bakit parang nakakaramdam ako ng alinsangan. Parang mainit na ewan. Siguro dahil halos mauubos na namin ang pangalawang bote ng wine na binuksan namin.
Lima kami ngayong nasa balkonahe ng malaking bahay ng isa sa mga kaklase ko sa grade 12 at naglalaro ng tinatawag nilang The Jester’s Game. Sa larong iyon, kapag tumapat sa iyo ang nguso ng bote, sasagutin mo ang tanong na “Ikaw, Paano mo gustong mamatay?”, pero sa artistic at madugong sagot.
Bakit The Jester’s Game? Dahil ang sabi nila, pagkatapos mo itong laruin, may magpapakita sa iyong jester at papatayin ka sa paraan na gusto mo. Korni, ‘no? Hindi naman na kami mga bata para maniwala pa doon. Ewan ko ba kung bakit sumama pa ako sa overnight bonding na iyon kahit mas gusto kong matulog na lang sa bahay dahil graduation na namin bukas. Masyado lang makulit itong mga kaibigan ko. Isa pa, hindi rin naman ako naniniwala sa mga kasabihan ng matatanda na kapag graduating ka, mainit ang mata sa iyo ni Kamatayan.
“Ang tagal naman, o! Ano na, Tolits?” sabi ng isa ko pang kaklase.
Ilang segundo na ba akong nakatulala? May minuto na ba? Wala naman kasi akong maisip na artistic and at the same time, bloody na pagkamatay na gusto ko. Ayoko pa kayang mamatay. Pero dahil sumama ako sa gabing iyon, ayokong maging KJ. “Gusto kong mamatay sa kilig.”
“Kilig? Paano `yon?” tanong ng isa kong kaklaseng babae.
“Paano ba kiligin? ‘Di ba, nanginginig-nginig pa?” tugon ko bago sinundan ng malakas na tawa. Pero nang walang sumunod na tumawa sa kanila, agad akong huminto. “I mean, gusto kong mamatay nang kinukuryente.”
Napangisi ang ilan sa kanila at ang ilan naman ay napakamot sa ulo na halatang nakornihan sa naging sagot ko.
“Hindi ba may thrill `yon? Ramdam na ramdam ko `yong kilig at panginginig ng katawan ko bago ako mamatay. Ang astig kaya!” dagdag ko pa.
“Ewan ko sa iyo, Tolits,” pilit na natatawang sagot ng kaklase kong may-ari ng bahay na tinutuluyan namin ngayon. “Inumin mo na itong last shot. Korni ng sagot mo, eh. Ay, wala na pala?” sabi niya nang wala nang alak na lumabas sa boteng hawak.
“Okay, tulugan na,” sabi ng isa kong kaklaseng lalaki na tumayo na kasunod ang babaeng katabi niya.
“Hala. Seryoso, matutulog na kayo? Ang aga pa, o,” sabi ko nang magsimula na silang tumayo. “Swimming muna tayo, guys.”
“Ikaw na lang, Tolits. Ikaw lang korni sumagot, eh,” natatawang sabi ng huling kaklase ko na sumunod sa ibang pumasok na sa loob ng bahay.
Nakakainis. Kung kailan naman hindi pa ako inaantok at gusto ko pa ng kakwentuhan, saka naman nila ako tutulugan. Tsk!
Lumabas na ako ng at naglakad papunta sa tabi ng swimming pool. Isinaksak ko sa extension ang malaking music player doon bago ko iyon pinatugtog. Hinubad ko ang sando na suot ko at tumalon sa tubig ng pool. Nagsimula akong magpabalik-balik ng paglangoy swimming pool nang bigla akong mapahinto sa gitna. May nahagip ang mga mata ko bago ako sumisid kanina. Para kasing may nakita akong tao na nakatayo sa gilid ng swimming pool. Ang weird pa dahil para siyang naka-costume. Lima lang naman kaming nandoon ngayon at inuman lang ang plano namin para sa gabing iyon, hindi isang children’s party.
May dalawang beses akong nagpaikot-ikot sa kinatatayuan ko sa gitna ng swimming pool, pero wala talaga akong kahit na sinong nakita. Kung kanina maalinsangan ang pakiramdam ko, ngayon ay nagsisimula na akong makaramdam ng lamig. Kakaibang lamig na hindi ako sigurado kung dulot ng nakita ko kanina na bigla na lang naglaho. Mamamalikmata na lang kasi ako, isang payaso pa!
Muli akong sumisid at lumangoy papunta sa dulo ng swimming pool. May ilang segundo ko ring pinigilan ang paghinga bago muling kumuha ng hangin nang makarating ako sa dulo. Ngunit bigla akong napaatras nang sa pag-angat ko ng tingin, may taong nakatayo sa bakal na hagdan ng swimming pool na dapat ay aakayatan ko.
Hindi ako namamalikmata kanina, kung ganoon. Totoo ang payasong nahagip ng paningin ko. Nakasuot siya ng nakangiti at nakakatakot na maskara. Parang luma at sira-sira na ang maskara na iyon at may bahid pa yata ng natuyong dugo.
Kumakaway siya sa akin ngayon habang nakatayo sa harap ko at hawak-hawak ang malaking music player na patuloy pa rin sa pagtugtog.
“Hi, Tolits. Pakikumusta na lang ako kay Kamatayan.”
“N-no!” At bago pa ako nakakilos upang makaalis sa swimming pool, nailaglag na ng payaso ang hawak na malaking music player sa tubig. Nakita ko pa iyon na kumislap sa tubig bago ko naramdaman ang kakaibang kuryenteng bumalot sa katawan ko. Kuryenteng hindi kilig ang dulot sa akin, pero nagpapanginig sa katawan ko. At bago tuluyang magdilim ang lahat sa akin, pinilit kong lingunin ang payaso sa kinatatayuan niya. At wala na siyang suot na maskara.
“Gusto kong mamatay nang kinukuryente…”