March. Sa Bilao Elementary School. Five years old ako. Nalalapit na ang graduation namin sa Pre-school. Isa-isa kaming tinatawag ni Teacher para kausapin. Tungkol saan? Hindi ko alam. Ang alam ko lang mawawalan na ‘ko ng malay sa kaba noong mga oras na yun.
“Kuan, ikaw na raw,” sabi nang classmate kong uhugin. Dumeritso ako sa labas ng classroom. Nakita ko si Teacher, nakaupo at may hawak na papel. Sana hindi niya sabihing nasipa na ‘ko sa Top10.
“Come close Kuan. May itatanong ako sa ‘yo, pero wag mong isasabi sa classmate mo ang sagot okay?”
“O–Op–opo.”
“Ano’ng gusto mong maging
“Po?”
“Pag malaki ka na, gusto mong maging ano ka?”
Napangiti ako. Yey! Nasa Top10 pa me! Dahil ‘Best in Drawing’, ganito ang naging sagot ko. “Hmm…gusto ko Teacher mag-drawing ng cartoon.”
“Ha? Ang ibig kong sabihin e propesyon. Work. Ano’ng work ang gusto mo paglaki?”
“Gano’n na nga po Teacher.” Sandaling nag-isip. “Ayun! Cartoonist po. Cartoonist daw po ang tawag doon sabi ng kalaro ko.”
“Ay Kuan, dapat ‘yong makatotohanan. Example police, doctor, seaman, pilot. Ganoon.”
Dahil bata pa at hindi ko pa alam ang salitang ‘argumento’. At di ko pa rin alam kung gaano kadugong mag-Med School ito ang sagot ko, na tunog napilitan pa ha. “Sige po Teacher, Doctor na lang.”
Matapos ang graduation, ibinigay na ang Yearbook. At doon, nakita ko ang picture kong hindi nakangiti at nakawahi ang buhok sa gitna na parang hinimod ng dragon, pero di naman halata dahil sa cap. At sa baba nito e may nakasulat na;
“I am Kuan Ay and I want to be a DOCTOR.”
Makalipas ang maraming taon naging Doctor ba ‘ko? HINDI! At wala akong balak! Kung mayroon man, WALA AKONG PERA! Nakapagtapos ako ng Pre-school, Elementary at Highschool. Natapos ko na rin ang College sa kursong mema. Meron na rin akong maayos na trabaho. At pamilyado na rin. Pero kung itatanong mo ulit sa ‘kin yung tanong ni Teacher na ano’ng gusto kong maging? Yung totoo, hindi ko pa rin alam. May mga plano na naman ako pero di pa ako masyadong sigurado. Ewan ko kung bakit.
Kung ngayong bata ka pa lang e alam mo na ang gusto mo sa buhay. Binabati kita. Ang swerte mo. Bibihira yan. Pero kung naghahanap ka pa rin, huwag kang mag-aalala hindi ka nag-iisa. Marami tayo. At balita ko normal lang daw ‘to. Mayroon pa ngang sabi-sabi na may mga taong bumilang pa ng dekada bago nalaman kung ano talaga ang gusto nila sa buhay.
Hindi ko sinasabi na magiging ganoon tayo, ang pinupunto ko lang e hindi natin ito mahuhulaan kung kailan. Pero bakit nga ba tayo umabot sa puntong ‘to?
Isa lang ang naiisip kong dahilan, ‘yon e dahil nabuhay tayo. Pero bakit nga ba tayo nabuhay? Bakit tayo may buhay? Para saan ang buhay? Bakit kailangan nating mabuhay? Bakit walang nagtanong kung gusto ba nating mabuhay o hindi? Tipong nagchukchakan na lang ang ating mga magulang tapos panahon na ang mag-aannounce kung magiging anong klaseng tao tayo sa hinaharap.
O s’ya s’ya s’ya! Tama na, alam naman nating wala ng mangyayari kung masagot man ang tanong na ‘to. Huli na ang lahat. Ilang taon na tayong nakikipagpatubangga sa malupit na mundong ‘to.
Pero last na. Ano nga ba talaga ang kahulugan ng buhay?