Life is funny, ‘yan ang sagot ko kung kasama man ang tanong na nabanggit ko kanina sa mga Slam book. Siguro may mga English grammar expert na magsasabing, “Dapat life is fun. Ungas!” pero hindi ako nagkakamali. Sinabi kong “funny” dahil hindi naman talaga masaya ang buhay, lalo na kung mahirap ka pa sa katulong ng daga. Dahil madalas, nakakatawa lang ito. Totoo naman di ba? Lalo na kung sa kabila ng kamalasan mo e nauulan ka pa rin ng pabutlig-butlig na swerte. Tipong mapapa-tears of joy ka na lang matapos ma-survive ang maghapong gyera sa labas ng bahay at makakain kahit isang beses kada araw.
May mga libro na abala sa pagsagot kung ano nga ba talaga ang totoong kahulugan ng buhay, na mauuwi sa usapang religion, kung hindi man kabaliktaran nito, ang atheism. Pero dahil di natin alam parehas ang sagot, mabuti pa e isantabi na lang natin at mag-focus tayo sa kung ano’ng meron.
Di ko sigurado kung sino ang mas busog sa ‘tin sa experience. Pero since nasa mga kamay ko kung ano’ng mangyayari sa inidoro–este…librong ito, wala kang magagawa kundi pagtyagaang basahin kung ano’ng mahuhugot ko sa ‘king sentido.
Bilang nakaranas na rin naman ng medyo marami-raming pagkakamali at pagsisisi, bibigyan kita ng ideya kung ano’ng klaseng lupa ang kinatatayuan mo. At syempre aalukin ka ng fertizer na pwede mong gamiting pataba rito.
Imagine mo na lang, nasa pambublikong kubeta tayo ng Bus terminal. Ikaw yung magsi-CR at ako yung bantay, pero matalik tayong magkaibigan. Sa konting baryang ibabayad mo, sisiguruhin kong hindi ka malulugi dahil magagawa mong umihi, dumumi at maligo. Tulad sa librong ito, sa konting oras na ilalaan mo sa pagbabasa, sinisigurado kong sulit ito at di ka magsisisi.
Ang utak ko ang magsisilbing mga timba sa cubicle. Pipilitin kong maging malinis ang laman nito. Ibibigay ko ang lahat hanggang sa huling patak pero nasa sa ‘yo pa rin ang desisyon kung gagamitin mo ito o magti-tissue na lang.
Hindi ako kasing talino ni Aristotle, Sigmund Freud, Stephen Hawking, Albert Eistein, Issac Newton at iba pang mga 4 digits IQ na kilala mo. Isa lang din akong simpleng nilalang na ang mortal sin e magpahid ng kulangot sa ilalim ng upuan o kung saan-saan.
Hindi rin ako kasing galing ng mga iniidolo mong manunulat gaya nina Jeff Kinney, Dan Brown, Rick Riordan, Lualhati Bautista, Ricky Lee, Bob Ong, Joselito Delos Reyes, Eros Atalia o iba pang mga sikat. Hindi ako bihasa sa paggamit ng balarilang Pilipino, at mas lalo na sa English. Pelingerong manunulat at hambog na kwentista lang ako.
Posibleng matisod ka sa pagbabasa dahil sa pagpuna ng maling paggamit ko ng mga Salita o bantas’ Pero kahit na ganoon, sisiguruhin ko, at pipilitin ko, na iparating ang mensahe ko nang M4L1N4W. Basta ang hiling ko lang, sana umabot ka sa kahuli-hulihang salita ng kahuli-hulihang pages nitong libro.